Monday, November 9, 2009

mamatay ka na epes

You gain strength, courage, and confidence by every experience in which you really stop to look fear in the face. You must do the thing which you think you cannot do.
- Eleanor Roosevelt

Nag-lakad akong gume-gewang gewang pauwi. Siguro kung nakita mo ko nun, iisipin mong lasing ako o di kaya eh inaantok. Pero gising na gising ako nun. Sa totoo lang, daig ko pa nag-tatlong Venti na Americano sa Starbucks. Bakit kamo ako gising na gising? At bakit ako gume-gewang gewang? Namimilipit ang lolo mo sa sakit. Sa edad kong ito, akalain mong nakuha ko pang madapa? Pakiramdam ko, bata ako ulit. Gusto ko sanang tumakbo pauwi pero nahiya naman ako. Gusto ko rin sanang umiyak sa nanay ko pero tulog na siya. At oo nga pala, bente-tres na ako.

Takot ako sa ipis. Ay wait, mali yan. Takot na takot as in p*tang ina takot ako sa ipis. Sabihin mo nang duwag ako o di kaya eh lalampa-lampa pero basta ipis na ang pinag-uusapan, kinikilabutan talaga ako. Dito magsisimula ang aking kwento. May oras ka ba? Kwento ko ha.

Pauwi na ako sana. Bumili lang ako ng maiinom sa 7-11. Habang naglalakad pauwi, napansin kong may lumilipad-lipad sa kalsada. Akala ko nung una eh paru-paro lang pero nang talasan ko ang mata ko, flying ipis pala. Eeeggh… Kinikilabutan parin ako ngayon pag naaalala ko.

Tumingin ako sa paligid ko. Walang ibang tao. Takbuhin ko na kaya? Pwede ko rin naman siyang iwasan kaso ang layo ng iikutan ko. Yung bang tipong iikot ako mula MOA hanggang Trinoma para lang makaiwas sa bwakananginang ipis na yan. Sabi ko sa sarili ko, Sige. Kaya natin to. Ipis lang yan. Ang laki-laki mo kumpara diyan. So ‘yun. Nagpaka-brave ako. Nung una, mabagal lang lakad ko. Naisip ko kasi na kung tumakbo ako, baka ma-excite si Kuya Ipis at maki-fun run sa akin. Kaso nung nakita ko na siya ng malapitan, napansin kong kumikinang-kinang yung pakpak niya sa ilaw ng buwan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig bago nagbabad sa aircon. Binilisan ko na ang lakad ko.

Kaso, may surprise guest pa pala. May kapatid ang Kuya Ipis mo. Sa peripheral vision ko, nakita ko lumilipad si ipis #2 a.k.a. Ate Ipis papunta sakin. Tumakbo na ako! Medyo mababa nga takbo ko kasi feeling ko may malaking bulls eye lang yung ulo ko at dun trip lumanding ni ate. Si kuya naman, andun lang sa baba. Steady lang, parang inaantay na ako pa lumapit sa kanya. Di na ako nag-dalawang isip. Aaaaahhh!!! Takbo!!!

5’8” ako. Nasa 140 lbs narin siguro ang timbang ko. In short, di ako magaan. Sa baba at bilis ng takbo ko, di kinaya ng katawan ko. Umiral ang gravity. Ayun, sumemplang ako. Lumipad yung iced tea ko sa kahabaan ng Buendia. Pakiramdam ko, slow-mo lang lahat ng nangyayari. Si ate di-dive sakin. Si kuya nakangiti, nag-aantay. Ako naman parang dine-demolish na building. Kahit yung audio naka slow-mo. Noooooooooo!!! Pang-pelikula!

Sumalampak ako sa semento. Huli na ang lahat nang ma-realize kong ang dami kong sugat. Ang laki-laki ng galos ko sa kaliwang braso! Dahan-dahan akong bumangon, sabay sigaw ng fuuuuuck!!! (para maangas at sosyal parin!)

‘Yun na nga yung point na gusto kong magtata-takbo pauwi kay mama. Layo pa ng bahay nun pero tiniis ko. Pinagtitinginan ako ng mga tao kasi una, ang dumi ko. Pangalawa, duguan ako. Pangatlo, nangingilid yung luha ko. Siguro kung nakita mo ko nun, naawa ka sakin sabay bigay ng isang magabagdamdaming hug.

Pag-uwi ko, diretso ako sa banyo at nag-bonding kami nina Kuya Safeguard at Ate Betadine. Ang hapdi parin niya. Nagtutubig-tubig nga yung pinakamalaking galos ko eh. Aguuuuuy lagiiiii!!!

Sabi mo siguro, ano naman ngayon kung nadapa ka? Ikagaganda ko ba yan? Ikaliligaya ba yan ng madlang people? Wait lang. May point ‘to.

Na-realize ko ang stupid lang nung nangyari. Oo, nakaiwas nga ako sa ipis pero mukha naman akong inupakan. Buti kamo naiwas ko mukha ko. At least yung mga sugat ko ngayon, matatago ko naman sa damit ko. Eh kung may malaking galos ako sa mukha? Ang hirap nun ipaliwanag na di ako nagmu-mukhang engeng.

Minsan kasi, sa kagustuhan nating umiwas sa maliliit na problema, lumalaki sila lalo. Sana nung bata ako, sinanay ko na sarili ko sa ipis. Ngayon tuloy, ang tanda tanda ko na, takot parin ako sa kanila. Kung di mo malusutan yung problema mo (tulad ng di ko ma-get over ang fear ko sa ipis) edi humanap ka ng ibang paraan. Kahit mas mahirap. Kahit mas nakakapagod. Kung nag-long cut nalang sana ako edi sana di ako sugatan ngayon. Ang problema naman, di nawawala eh. Kung di mo kaya maging matapang, edi subukan mo nalang maging listo.

Ayun lang. Yun lang naman ang gusto ko sabihin. O sige na, tama na ‘to. Magbo-bonding pa kami ni Ate Betadine. Tandaan, mga bata! Pag may problema, wag umiwas! Wag din mag-shortcut! Sige ka, baka madapa ka.


Fergie
Clumsy
The Dutchess